Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga otoridad sa umano’y large scale “paluwagan scam” na sangkot ang tatlong pulis na babae at non-uniformed personnel.
Kinilala ng PNP Cagayan ang tatlo na sina PCMS Isabel Articulo, PCMS Pressy Articulo at PCPL Mary Jane Atal, habang ang NUP ay si Mary Kris Castillo.
Una nang sinampahan ng kasong grave misconduct si Isabel Articulo at na-relieva mula sa PNP Pamplona at nasa kostodiya siya ngayon ng PNP Cagayan.
Ang paluwagan scam ay naghihikayat na mamuhunan ng malaki para sa malaki na interest sa loob lamang ng isang buwan.
Sa press conference na ipinatawag nina Governor Manuel Mamba at Tuguegarao Mayor Maila Que, sinabi ni PCol Julio Gorospe Jr., director ng PNP Cagayan na inaalam na rin nila ang naging papel ng dalawa pang pulis at NUP sa nasabing scam.
Sinabi ni Gorospe na sasampahan din ang mga ito ng kasong kriminal sa sandaling makakuha ng sapat na ebidensiya.
Kaugnay nito, sinabi niya na 158 ang nagreklamo sa iba’t ibang PNP unit sa Cagayan laban sa nasabing scam, at milyong-milyong piso ang sangkot sa nasabing panloloko.
Sa katunayan, sinabi ni Gorospe na maging ang kanyang asawa ay nag-invest din sa nasabing scam.
Bumuo na rin sila ng task force na magsasagawa ng imbestigasyon sa nasabing kaso.
Samantala, sinabi ni Mamba na susulat sila sa National Bureau of Investigation Regon 2 at central office para magsagawa sila ng parallel investigation.
Ipinatawag nina Mamba at Que ang press conference upang malaman ang mga dapat na hakbang na isasagawa ng bawat kaukulang ahensiya para mapanagot ang mga sangkot, matulungan ang mga biktima at para ipabatid sa publiko na huwag maniwala sa mga indibidual o grupo na himihingi ng malaking halaga kapalit ng malaking interest.
Dumalo rin sa nasabing press conference ang mga opisyal ng Public Attorney’s Office at National Bureau of Investigation.