
Pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na murder sa tatlong pulis sa pagpatay sa 17 anyos na si Kian delos Santos noong panahon ng drug war noong 2017.
Sa 140 pahinang desisyon, napatunayan ng SC Second Division na guilty beyond reasonable doubt of murder sina Arnel Oares, Jeremias Pereda, at Jerwin Cruz at hinatulan sila ng reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkakakulong at inatasan sila na bayaran ang pamilya ni Kian ng P275,000.
Bukod dito, sinabi ng SC na inamin ni Oares na binaril niya si Delos Santos.
Ayon sa SC, batay sa ebidensiya ng prosecution, ang ginawa ng mga nasabing pulis ay hindi pagtupad sa kanilang tungkulin.
Idinagdag pa ng mataas na hukuman, ipagpalagay man na ginampanan lamang ng mga nasabing pulis ang kanilang trabaho, hindi nila napatunayan na ang pagpatay kay Kian ay isang kailangang pangyayari sa pagtupad nila sa kanilang tungkulin.
Matatandaan na noong gabi ng Aug. 16, 2017, nakita ng mga testigo na tumigil ang mga nasabing pulis at kinapkapan si Kian sa Baesa, Caloocan City.
Matapos na may makuha umano na pinaghihinalaang droga kay Kian, sinuntok siya ng mga pulis habang umiiyak at nagmamakaawa na payagan na siyang umuwi dahil may exam siya kinabukasan.
Subalit pinilit siya ng mga pulis na hawakan ang isang tuwalya na may nakabalot na tila isang baril at pinatayo siya na nakataas ang kanyang damit para takpan ang kanyang ulo.
Dinala si Kian sa madilim na lugar na malapit sa ilog.
Makalipas ang ilang sandali, pinagbabaril siya ng maraming beses ni Oares at Pereda, habang nagbabantay naman si Cruz.










