Ipinasara ang tatlong punerarya sa lungsod ng Tuguegarao.

Isinilbi ng Joint Inspectorate Team ng Tuguegarao City Government ang Closure Order laban sa tatlong funeral homes dahil sa kabiguang makasunod sa mga kinakailangang dokumento para sa kanilang operasyon.

Kabilang sa pansamantalang ipinasara ang D’ Carbonnel, Ortiz, at Baquiran Funeral Homes na kung saan nilagyan ng tarpaulin na may nakasaad na “CLOSED” ang kanilang negosyo.

Ayon Ryan Balubal, License Inspector II at Admin Officer Designate ng Business Permits and Licensing Office (BPLO), bigo ang mga establishimento na magsumite ng mga clearances tulad ng Building Annual Inspection Clearance, Environmental Management Bureau (EMB) Clearance, Bureau of Fire Protection (BFP) Clearance, City Health Office Clearance, at City Environment and Natural Resources Office (CENRO) Clearance.

Bagamat pinagbigyan ang mga ito na tapusin ang kasalukuyang serbisyo sa kanilang mga kliyente, hindi na sila pinapayagang tumanggap ng panibagong transaksyon simula kahapon.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Balubal, nabigyan ang mga naturang funeral homes ng 45-araw na palugit na tumugon sa mga naturang clearance matapos mailabas ang kanilang Mayor’s Permit, ngunit nabigong makumpleto ang lahat ng dokumentong kailangan.

Maaari lamang silang makabalik sa operasyon kapag kanilang naisumite at nakuha ang lahat ng kaukulang clearance.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng mahigpit na pagpapatupad ng LGU sa mga regulasyon at patakaran sa pagnenegosyo sa Tuguegarao, bilang bahagi ng kampanya ni Mayor Maila Rosario S. Ting-Que para sa kaligtasan, kaayusan, at pagsunod sa batas.