Sinampahan ng patung-patong na kasong Robbery with intimidation,paglabag sa RA 9516 o iligal na pag-iingat ng baril at bala at ng Omnibus Election Code ang tatlong suspek ng robbery hold-up sa Santiago City nitong Enero 11 ngayong taon.
Sa panayam kay PLCOL Efren Fernandez, tagapagsalita ng PNP Region 2, nakilala ang mga suspek na sina Mack Jay Dela Cruz Venturina, 28 anyos at si Pee Jay Dela Cruz Venturina, 34 anyos dating empleyado ng J&T express na kapwa residente ng Brgy. Abra, Santiago City kasama si Randy Ignacio Andres, 46 anyos, construction worker at residente sa bayan ng Diffun, Quirino sa pamamagitan ng CCTV footage.
Una rito, patungo sana sa banko upang magdeposito ng koleksyon ang dalawang biktimang empleyado ng J&T Delivery Express na sina Jerick Bilog, 25 anyos, rider at si Ginalyn Lorenzo, 22 anyos, delivery express COD Admin kapwa residente ng Santiago City nang harangin ng mga suspek na nakasakay sa kanilang motorsiklo.
Sa imbestigasyon aniya ng pulisya ay umabot sa mahigit P1M ang tinangay ng mga suspek na agad tumakas matapos ang insidente.
Ayon kay Fernandez, nang maipost sa social media ang cctv footage ay natukoy ang pagkakakilanlan nila sa tulong ng mga concerned citizen kayat agad silang naglunsad ng hot pursuit operation dahilan upang mahuli ang dalawa sa bahagi ng Santiago at ang isa naman ay sa probinsya ng Quirino.
Saad niya, narekober ng mga otoridad mula sa mga suspek P120K cash at mga items na binili mula sa tinangay na pera.
Dagdag pa rito ay nakuha rin mula kay Randy Andres ang isang caliber 9mm pistol na may magazine at limang bala at isang granada habang nakuhanan din si Peejay Venturina ng replica ng caliber 45 pistol at isang granada.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Santiago City Police Office ang tatlong suspek.