Naniniwala ang pulisya na malaki ang magiging epekto sa kalakalan ng iligal na droga sa malaking bahagi ng Luzon ang pagkakahuli ng tatlong notoryus na indibidwal sa pagbebenta ng iligal na droga na nagresulta sa pagkakasamsam ng P5.2 milyon halaga ng marijuana bricks sa Brgy. Tuao North, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Kinilala ang target sa drug buybust operation na si Lina Bayog habang nahuli rin ang kasamahan nitong si Joy Alngad, kapwa 52-anyos, walang trabaho at kapwa residente ng Brgy Agbannawag, Tabuk City, Kalinga at si Sherwin Atolba, 46-anyos, residente ng Banaue, Ifugao.
Ayon kay PMAJ Jolly Villar, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, galing sa Kalinga ang mga marijuana bricks at malawak ang operasyon ng grupo dahil bukod sa Region 2 ay nagbebenta pa ang mga ito sa Region 3, National Capital Region at Region 4A gamit ang van na kanilang sasakyan.
Mahigit isang buwan rin minanmanan ang galawan ng mga suspek bago sila tuluyang nahuli kung saan narekober ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency at PNP sa kanilang pangangalaga ang kabuuang 44 kilos ng marijuana bricks nitong Lunes ng hapon, February 12.
Sinabi ni Villar na hindi naman konektado ang tatlong suspek sa dalawang indibidwal na nahuli noong nakaraang Linggo matapos mahulihan ng halos kalahating milyong pisong halaga ng shabu.