Inihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas kainin ang tawilis mula sa Taal Lake.

Pahayag ito ng BFAR kasunod ng isiniwalat ng whistleblower na itinapon ang mga katawan ng mga nawawalang sabungero sa nasabing katubigan.

Ipinaliwanag ng BFAR na ang tawilis ay maliit na pelagic fish na karaniwang nananatili sa mababaw na bahagi ng tubig, at kumakain ng plankton, ang magkakaibang koleksyon ng mga organismo na naninirahan sa haligi ng tubig kagaya ng lawa.

Ayon sa BFAR hindi carnivorous o kumakain ng karne ang tawilis.

Nilinaw din ng BFAR na ang iba pang isda tulad ng tilapia at bangus ay karaniwang cultured sa fish pens, at hindi malayang nakakalangoy sa Taal Lake.

-- ADVERTISEMENT --

Ang pagpapaliwanag ng BFAR ay kasunod ng pagbaba ng bentahan ng mga isda sa nasabing lugar, dahil sa takot ng mga mamimili na kinain ng mga isda ang mga bangkay ng mga tao na itinapon sa lawa.

Matatandaan na sinabi ni alya “Totoy” isa sa mga akusado kaso ng nawawalang mga sabungero na itinapon sa Taal Lake ang mga nasabing sabungero matapos na mabisto sila na nandadaya sa pamamagitan ng pagpapahina sa kanilang sariling manok at pumupusta sa ibang panabong na manok.