Isa umanong love triangle ang tinitingnang posibleng motibo sa pamamaslang sa isang 47-anyos na taxi driver na natagpuang patay sa loob ng kanyang sasakyan sa Sitio Ka-Isko, Barangay Mactan noong Hulyo 2.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Johnny Burdas, residente ng Brgy. Bankal.

Ayon sa imbestigasyon ng Lapu-Lapu City Police Office (LCPO), may natagpuang tama ng bala sa katawan ni Burdas habang nakaupo sa driver’s seat ng kanyang unit na nakaparada sa isang liblib na lugar.

Dalawang basyo ng bala at butas ng bala sa bintana malapit sa driver’s seat ang narekober ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen.

Sa paunang imbestigasyon, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Christian Torres, tagapagsalita ng LCPO, na unang ikinonsidera ang pagnanakaw bilang motibo sa krimen matapos mapag-alamang nawawala ang cellphone at pitaka ng biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit sa mas malalim na imbestigasyon, lumutang ang posibilidad na love triangle ang tunay na dahilan ng pamamaslang.

Ayon kay Torres, nadiskubreng may karelasyon si Burdas na isang estudyante, at ito raw ay kanyang pinapaaral.

Posible umano na may taong nagalit nang malaman ang ugnayan ng dalawa.

Dagdag pa ng pulisya, humingi na sila ng tulong mula sa PNP Cybercrime Unit upang mabuksan ang Facebook Messenger account ng biktima, matapos itong hindi ma-access ng kanyang pamilya.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa ride-hailing app kung saan nagtatrabaho si Burdas upang matukoy kung sino ang mga huling pasahero nito bago ito matagpuang patay.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang tunay na motibo sa krimen at mahuli ang nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay.