Pinagmulta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board – Region 11 (LTFRB-11) ng P5,000 ang isang taxi operator matapos maningil ng sobra ang drayber nito sa mga pasahero sa isang maikling biyahe.

Ayon sa ulat, umabot sa halos P3,000 ang siningil ng taxi driver sa isang mag-asawa mula Davao International Airport patungo sa Davao City Overland Transport Terminal — isang biyahe na may layo lamang na humigit-kumulang 12 kilometro.

Kinumpirma ni LTFRB-11 Regional Director Nonito Llanos III na nilabag ng operator ang mga kundisyon sa kanilang prangkisa, kaya’t agad na ipinataw ang multa.

Dagdag pa ni Llanos, responsibilidad ng operator na tiyaking maayos at makatao ang serbisyo sa mga pasahero alinsunod sa kanilang prangkisa.

Samantala, hiwalay namang imbestigasyon ang isinasagawa ng Land Transportation Office – Region 11 (LTO-11) kaugnay ng aksyon ng drayber, at kanila pang pagdedesisyunan ang nararapat na parusa para rito.

-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan naman ang LTFRB sa publiko na agad i-report ang anumang uri ng pananamantala o overcharging sa mga pampublikong transportasyon upang mapanagot ang mga lumalabag at mapanatili ang ligtas at patas na serbisyo sa mga mananakay.