Nagbabala ang Department of Education na posibleng humantong sa teacher shortage at overcrowded classrooms sa mga pampublikong paaralan kung hindi mahahanapan ng solusyon ang budget cut ng ahensya para sa pag-hire ng bagong teaching personnel.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, target ng administrasyong Marcos na mag-hire ng 10,000 hanggang 20,000 guro taon-taon. Ngunit dahil sa mahigit isang bilyong budget cut, paniguradong maaapektuhan nito ang teacher-to-student ratio sa mga classrooms.
Sa kasalukuyan, umaabot daw sa 40-50 estudyante ang hawak ng isang guro kada classroom, malayo sa ideal na 1:35.
Ani Angara, kung hindi masosolusyunan ang problema, maaapektuhan din nito ang kalidad ng pagkatuto ng mga estudyante.
Samantala, sa ginawang budget review ng Pangulo, inatasan nito ang Department of Budget and Management na hanapan ng paraan upang maibalik ang natapyas na pondo sa DepEd.