Nasungkit ng Team Tribu Banwar mula sa kalinga ang overall championship sa 2024 Muay Thai National Championships na ginanap sa Multi-Purpose Arena ng Philsports Complex sa Pasig City.
Ayon kay Coach Erwin Tagure, tagapagsanay ng Tribu Banwar, sadyang napakatalented ng mga batang atleta ng Kalinga ngunit binigyang-diin niya ang kahalagahan ng sapat na suporta upang mas lalo pa nilang maabot ang tagumpay sa mas mataas na kompetisyon, maging sa internasyonal na antas.
Sinabi pa nya na walang nakapigil sa husay ng mga batang mandirigmang i-kalinga sa pagdomina sa pambansang palaro sa larangan ng combative sports.
Binigyang-pansin din niya ang pangangailangan ng isang malinaw na strategic road map para sa mga atleta, kabilang ang sports code at kasunduan sa pagitan ng DepEd at LGU, upang higit pang mapaunlad ang talento ng mga batang i-kalinga.
Ang Team Banwar Kalinga ay binubuo ng 32 kabataang atleta na may edad 10-16 kung saan nakapag-uwi sila kabuuang 32 medalya – 16 ginto, 12 pilak, at 4 na tanso.
Dahil dito, itinanghal ang Tribu Banwar bilang overall champion sa kompetisyon na sinalihan ng 64 na iba pang koponan
Bukod dito, pinarangalan din ang grupo bilang ‘Best Delegation’ sa nasabing palaro.
Matapos ang tagumpay sa Muay Thai National Championships, naghahanda na ang Tribu Banwar para sa Combat Jiu-jitsu National Championship na gaganapin sa Enero 2025.