Pansamantala munang ipinagbawal ng Department of Agriculture Region 2 ang pagpasok ng mga poultry products sa Cagayan Valley mula Region 3 para mapigilan ang pagpasok ng avian influenza o bird flu na unang nadetect sa Bulacan at Pampanga.
Ayon kay Dr. Manuel Galang Jr., Veterinarian ng DA-RO2 na mahigpit ngayon ang pagbabantay sa pagpasok ng poultry products lalo na sa itik at pato, kasama ang iba pang mga produkto ng binuong Task Force sa apat na major checkpoints sa rehiyon na matatagpuan sa Sta Praxedes, Cagayan; Nagtipunan, Quirino; Kayapa, Nueva Vizcaya; at San Jose, Nueva Vizcaya.
Sa kabila ng temporary ban, tiniyak ni Galang na sapat ang suplay ng mga poultry products sa rehiyon at walang dapat ikabahala ang publiko.
Bagamat maituturing na kontrolado na ng pamahalaan ang bird flu outbreak sa Region 3, sinabi ni Galang na kailangan pa ring maghanda upang mapanatili ng RO2 ang pagiging Bird Flu virus free.
Kabilang na rito ang pagsasagawa ng monitoring at surveillance laban sa Bird Flu Virus na maaaring dalhin ng mga migratory birds mula China at sa mga poultry farms kung saan kukuhanan ang mga ito ng blood samples.
Panahon na kasi ng tag-lamig o winter months sa mga bansang kagaya ng China kung kaya ang mga ibon ay dumadayo sa mga lugar na mas mainit ang klima tulad sa Cagayan
Pinag-iingat din ang publiko na iwasang katayin ang mga ibon, manok, pato at iba pa na tinamaan ng birds flu dahil maaring makahawa sa tao at agad itong i-report sa pinakamalapit na agriculture office.