Isinailalim sa “temporary lockdown” ang limang Barangay sa Tabuk city sa probinsiya ng Kalinga matapos makapagtala ng dalawang confirmed case ng coronavirus disease (COVID-19) sa kanilang nasasakupang lugar.
Ayon kay Dionica Alyssa Mercado, tagapagsalita ng Kalinga Provincial government, ang limang barangay ay kinabibilangan ng Bulanao centro at Norte, Laya West, Ipil at Lacnog.
Aniya, ito ay bilang pag-iingat sa pagkalat ng virus at para hindi na madagdagan ang bilang ng nagpositibo sa covid-19.
Sinabi ni mercado na bukod sa 30-anyos na lalaki na unang kumpirmadong nagpositibo sa virus ay muling nakapagtala ng confirmed case sa nasabing probinsiya na isang 51-anyos at overseas Filipino worker mula sa Abu Dhabi.
Una na umanong nagpositibo sa virus ang pasyente habang minomonitor sa metro manila ngunit matapos ang kanilang 14 day quarantine ay pinayagan ng makabiyahe pabalik sa Kalinga.
Pagdating sa Tabuk City ay muling sumailalim sa rapid test ang pasyente bilang protocol ng kanilang lugar kung saan muli itong nagpositive kung kaya’t isinailalim sa swab test at muli itong nagpositive sa virus.
Bagamat asymptomatic ang mga pasyente patuloy pa ring minomonitor ang kondisyon ng dalawa sa city isolation unit ng Tabuk.
Sa ngayon, bukod sa dalawang confirmed case,sinabi ni mercado na 31 suspected case at zero probable ang probinsiya.