
Tumindi ang tensiyon sa Gitnang Silangan matapos ang ulat na inatake ng Israel ang South Pars gas field, isa sa pinakamalaking natural gas field sa mundo na pinatatakbo ng Iran at Qatar.
Nangako ang Iran ng paghihiganti, habang patuloy ang retaliatory strikes sa rehiyon.
Walang naiulat na nasugatan sa South Pars, ayon sa Iranian media, ngunit tinawag ng Qatar ang insidente na mapanganib at walang pananagutan. Hindi pa naglalabas ng pahayag ang Israel tungkol sa nangyari.
Kasabay ng insidente, kinumpirma ng pangulo ng Iran ang pagkamatay ng Intelligence Minister na si Esmail Khatib sa isang overnight strike, at nakaraang araw, napatay rin ang top security official ng bansa na si Ali Larijani.
Nagpapatuloy ang Israel sa opensa laban sa Hezbollah sa Beirut, Lebanon, habang nagaganap naman ang retaliatory strikes ng Iran at mga kaalyadong militia sa Dubai, Qatar, Kuwait, Iraq, Bahrain, at Saudi Arabia. Dalawa ang naiulat na nasawi sa Israel.
Ayon sa ilang residente sa Iran, nakakaranas sila ng matinding takot at pangamba sa araw-araw, na anila’y halos “panganib sa buhay” ang simpleng paglabas ng bahay.
Ang insidente ay nagbunsod ng pangamba sa pandaigdigang seguridad at enerhiya, lalo na’t ang South Pars ay kritikal sa supply ng natural gas sa rehiyon.










