Umiigting ang tensyon sa Indonesia matapos ang malawakang protesta laban sa pulisya at sa diumano’y pribilehiyong ibinibigay sa mga mambabatas, habang nananatiling mababa ang sahod ng karaniwang manggagawa.

Nag-ugat ang galit ng publiko matapos mag-viral ang video ng delivery rider na si Affan Kurniawan, na nasagasaan umano ng armored police vehicle sa isang rally noong nakaraang linggo.

Noong Sabado, tatlo ang nasawi matapos sunugin ng mga nagpoprotesta ang isang gusali ng konseho sa silangang bahagi ng bansa.

Sa iba’t ibang lungsod, kabilang ang Jakarta, Surabaya, at Bali, nagtipon ang libo-libong estudyante at motorcycle taxi drivers upang ipanawagan ang hustisya at agarang pananagutan ng pulisya.

Sa Jakarta, pinuntirya ng mga nagpoprotesta ang punong tanggapan ng Mobile Brigade Corps (Brimob), na sinisisi sa pagkamatay ng driver.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, pansamantalang sinuspinde ng TikTok ang live streaming feature sa Indonesia, na may higit 100 milyong gumagamit, upang pigilan ang pagkalat ng tensyon online.

Umapela ng kalmado si Pangulong Prabowo Subianto, at nangakong papanagutin ang mga sangkot na pulis. Kanselado rin ang nakatakda niyang pagbisita sa China upang personal na tutukan ang sitwasyon.