Tinuligsa ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pinakahuling pahayag ng Chinese Foreign Ministry laban sa kanya, na tinawag niyang “squid tactic” o pagtatangkang ilihis ang usapin sa pamamagitan ng disinformation.

Nag-ugat ang isyu sa pagbatikos ni Teodoro sa aksyon ng China laban sa mahigit 100 Pilipinong umano’y ilegal na nagtatrabaho o naninirahan sa naturang bansa.

Iginiit ng Chinese Foreign Ministry na kailangang sumunod sa batas ng China ang mga dayuhan at itinanggi nitong nakatuon ang operasyon sa isang partikular na bansa.

Binalikan naman ni Teodoro ang pagkakaaresto sa mga Chinese national sa isang steel plant sa Misamis Oriental, na aniya ay sangkot sa ilegal na aktibidad, kabilang ang paggamit at pagproseso ng substandard at radioactive steel at pagtatapon ng maruming tubig at toxic fumes.

Iginiit ng kalihim na may sapat at legal na ebidensyang nakalap ang mga awtoridad laban sa mga inaresto.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, ang pahayag ng China na maaaring “bear the brunt” ng mga hakbang nito ang mga Pilipino ay maituturing na banta, extortion at blackmail.

Samantala, muling iginiit ni Teodoro na nakialam umano ang mga opisyal ng Chinese Embassy sa mga proseso ng local law enforcement at nagbanta ng posibleng pagganti laban sa mga Pilipino sa China.