
Magtutulungan ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Agriculture (DA) para humubog ng skilled at certified urban agriculture practitioners sa bansa sa pamamagitan ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP) ng Bureau of Plant Industry (BPI).
Layon nito na turuan ng praktikal na kaalaman sa modern food production ang mga kalahok na makakatulong sa pagtugon sa food security at climate resilience sa bansa.
Maaari rin itong maging daan para magkaroon o matanggap sa trabaho ang kalahok, makapagtayo ng negosyo, at bumuo ng community-based food production.
Para masigurong accessible para sa publiko ang nasabing programa, magtatatag ang TESDA at DA ng technology demonstration hubs sa mga komunidad, at nangakong palalakasin din ang kapasidad ng mga trainer, tagasuri, at partner institution sa buong bansa.
Habang ang TESDA Complex naman sa Taguig ang magiging flagship Urban Agriculture Technology Demonstration and Training Center ng nasabing programa para mabigyan ng hands-on exposure sa modernong pagsasaka ang mga kalahok.
Samantala, kakasa naman ang training at certification program sa pangunguna ng TESDA Green Technology Center (GTC).










