photo credit: TESDA R02

TUGUEGARAO CITY-Nagpaabot na ng tulong ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) R02 sa mga residenteng naapektuhan ng malawakang pagbaha sa rehiyon dos sa ilalim ng kanilang Community Assistance for the Rehabilitation and Empowerment o CAREs.

Ito ay sa direktiba ni TESDA Sec Isidro Lapeña na kaagad na matulungan ang mga naapektuhan ng pagbaha.

Kaugnay nito, agad na pinakilos ni Regional Director Jerry Tizon ang lahat ng TESDA Operating Units para agarang tulong at interventions ng mga apektadong residente.

Sa ilalim ng TESDA DOS CAREs program, nakapamahagi na ang nasabing tanggapan ng 2,000 baked products, 3,580 food packs at 395 grocery packs sa 19 na barangay ng Cagayan at Isabela.

Nasa 2,405 indibidwal naman ang nakinabang sa kanilang feeding programs na isinagawa ng TESDA Technology Institutions habang ang Isabela School of Arts and Trades ay tinaggap naman ang nasa 40 evacuees.

-- ADVERTISEMENT --

Mayroon ding tatlong Solar Power Generators ang pinagana ng Regional Training Center at Isabela School of Arts and Trades na ginamit bilang charging stations.

Binigyang direktiba naman Tizon ang lahat ng Provincial Directors para sa pagtukoy sa training needs requirements ng mga apektadong Brgy. kung saan nakipag-ugnayan na ang mga ito sa mga LGUs.

Umaabot naman sa 2,216 indibidwal mula sa 15 munisipalidad sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino ang interesadong sumailalim sa skills training sa 126 na programa na siyang iimplementa ng TESDA Technology Institutions at Provincial Training Centers dito sa Cagayan Valley Region. with reports from Bombo Efren Reyes Jr.