Inamin ng isang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na bahagya niyang binayaran ang ₱200,000 credit card bill ni Atty. Manases Carpio, asawa ng Bise Presidente, para sa kanilang pagkain sa Ginza, Tokyo, Japan.

Sa ika-43 araw ng paglilitis nitong Huwebes, sinabi ni Atty. Anel Antero na kasama siya ni Carpio at siyam pang kaibigan nila noong kumain sila sa naturang lugar at ginamit ang credit card ng asawa ng Bise Presidente sa pagbabayad.

Ayon kay Antero, nag-ambag siya ng 40,000 Japanese yen o katumbas ng humigit-kumulang ₱16,000. Sinabi rin niyang nag-ambag ang iba pang kasama nila.

Gayunman, wala siyang naipakitang litrato bilang patunay na kasama siya sa naturang salu-salo nang tanungin ng private prosecutor.

Sa cross-examination, kinumpirma rin ni Antero na nagtatrabaho siya sa law firm ni Carpio at tumatanggap ng kompensasyon mula rito. Hindi naman niya matiyak kung nakatanggap siya ng mahigit ₱580,000 na remittance mula kay Carpio noong Hulyo 2020, batay sa tala ng Anti-Money Laundering Council.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng prosekusyon na mahalaga ang mga tanong kaugnay ng paggasta at pamumuhay ni Carpio dahil inaatasan ng Konstitusyon ang mga opisyal ng pamahalaan at kanilang pamilya na mamuhay nang simple. Tumutol naman ang depensa at sinabing nakatuon lamang ang testimonya ni Antero sa bayarin sa pagkain sa Tokyo.