Naging sikat ang tatlong liblib na lugar sa Madhya Pradesh sa India dahil sa kanilang “thief schools”, kung saan sinasanay ang mga bata na ang pinakabata ay 12 ng pickpocketing at pagnanakaw ng mga batikang kriminal.
Iniulat na ang Kadia, Gulkhedi, at Hulkhedi ay paaralan ng mga batang kriminal, at nagbabayad ang kanilang mga magulang ng tuition fees na mula 200,000 hanggang 300,000 rupees o $2,400 to $3,600 para masanay ang kanilang mga anak sa tinatawag na “dark arts” tulad ng pandurukot at pang-aagaw ng mga bags sa matataong lugar, pagnanakaw, bank account thefts, paano matakasan ang mga pulis, at maging kung paano tiisin ang pagpapahirap sa kanila kung sila ay mahuhuli.
Pagkatapos ng pulong sa gang leaders at magbayad ng kailangang tuition fee, pinapadala ng mga magulang ang kanilang mga anak sa nasabing paaralan sa loob ng isang taon para matuto sa iba’t ibang skills at ihanda ang kanilang sarili.
Kapag nagtapos na ang mga bata, makakatanggap ang pamilya ng estudyante ng kabayaran na 300,000 ($3,600) to 500,000 rupees ($6,000) mula sa gang leaders para sa kanilang serbisyo.
Bagamat alam ng mga otoridad ang nasabing aktibidad, hindi nila mabuwag-buwag ang mga ito dahil sa pinoprotektahan ng komunidad sa mga nasabing lugar ang gang.
Batay sa police records, mahigit 2,000 individuals mula sa mga nasabing lugar ang may mahigit 8,000 na kaso na nairehistro laban sa kanila sa mga police stations sa India.