Tuguegarao City- Itinuturing ng mga frontliners na malaking hamon ang pagtupad sa tungkulin at pagiging ilaw ng tahanan sa gitna ng banta ng COVID-19.
Sa panayam kay Dr. Cherry Lou Molina-Antonio, Chief Medical Professional Staff ng CVMC, malaking responsibilidad ang nakaatang sa kanila ngunit kailangan rin ang sapat na oras para sa pamilya.
Bahagi aniya nito ay ang tiyakin na nasa maayos na kalagayan ang mga maiiwang mga anak at asawa kung siya ay umaalis at nasa pagtupad ng tungkulin bilang frontliner.
Ayon sa kanya, kailangan ng ibayong pag-iingat, ramdam ni Dr. Antonio ang distansya sa pagitan ng kanilang pamilya.
Paliwanag nito, bilang isang doktor ay kailangang masiguro ang kaligtasan ng kanyang pamilya lalo pa at madalas na nakakasalamuha ang iba’t-ibang pasyente sa pinagsisilbihang ospital.
Lakas ng loob aniya ang kailangan upang gampanan ang tungkuling tumulong sa mga nangangailangan lalo pa at lumalaganap ang banta ng COVID-19.
Muli ay pinasalamatan ng Doctor ang lahat ng kanyang mga kapwa ina na nagsasakripisyong mawalay sa pamilya alang alang sa pagtulong sa publiko.
Masaya pa nitong binati ang lahat ng inang kabilang sa hanay ng mga frontliners sa paggunita ng “Mothers Day Celebration”.