TUGUEGARAO CITY- Muling mamimigay ng nutribun ang pamahalaan ngayong panahon ng pandemic dahil sa covid-19.

Ang tinapay ay sumikat noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1970’s at 1980’s.

Sa panayam ng Bombo Radyo Tuguegarao, sinabi ni Cabinet Secretary Carlo Alexei Nograles, ito ay matapos na buhayin at linangin ang nutribun bilang bahagi ng food security program ng pamahalaan upang matugunan ang problema sa kagutuman at malnutrisyon sa mga kabataan.

Ayon kay Nograles, dinagdagan ng sustansiya ang nasabing tinapay na tinawag nilang enhanced nutribun.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa ni Nograles na maidadagdag na rin sa food packs na ibinibigay sa bawat pamilya ngayong panahon ng pandemya at sa panahon ng kalamidad ang enhanced nutribun.

Bukod sa nasabing tinapay, kasama na rin sa food packs ang iron fortified rice, mga delata na gawa sa mga gulay at mga sariwang gulay mula mismo sa mga magsasaka.

Sinabi ni Nograles na bukod ito sa nakasanayan na mga laman ng food packs na mga delata, noodles, instant coffee at iba pa.

Ayon sa kalihim, una na niyang isinanggguni ito sa Department of Social Welfare and Development at Office of the Civil Defense para sa pagbabago sa mga ipinamamahagi na mga food items.