Tinatayang 40 bangkay ng mga bata ang narekober matapos tumaob ang isang overloaded boat sa Sokoto State sa hilagang-kanlurang bahagi ng Nigeria nitong Huwebes.

Ayon kay Abdulkadir Yusuf, area manager ng National Inland Waterways Authority, pawang mga bata ang mga nasawing sakay ng bangka na nagtungo sana sa lugar upang magtanim o mag-ani ng palay.

Patuloy naman ang search and rescue operation matapos iulat ng mga lokal na diver ang pagkarekober sa mga bangkay. Patuloy ding pinaghahanap ang iba pang posibleng biktima.

Karaniwan na umano sa Nigeria ang mga aksidente sa bangka dahil sa hindi ligtas na operasyon ng mga sasakyang-pandagat. Noong Enero, hindi bababa sa 25 katao ang nasawi nang tumaob ang isang tumatagas na bangka sa Yobe State.

-- ADVERTISEMENT --