Nagsasagawa ng follow-up investigation ang mga awtoridad sa nangyaring pagkasunog ng isang stall ng mga paputok sa provincial road sa Purok 4, Bulanao, Tabuk City, Kalinga, limang minuto bago ang Bagong Taon.

Sinabi ni PCAPT Ruff Manganip, information officer ng Kalinga PNP, nagmistulang fireworks display ang insidente na nangyari 11:55 p.m.

Sinabi niya na batay sa initial investigation, may nagsindi ng kwitis sa isang stall na pumunta naman sa katabing stall na tumama sa isang balde ng mga kwitis na nagbunsod ng pagsabog ng mga ibinebentang mga paputok.

Ayon kay Manganip, tatlong menor de edad na lima hanggang 14, dalawang babae at isang lalaki ang nagtamo ng injuries dahil sa nasabing insidente na ngayon ay inoobserbahan pa sa Kalinga Provincial Hospital.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Manganip na inaalam na rin ng mga awtoridad kung sino ang responsable sa pagsindi ng kwitis at kung magkano ang mga nasirang mga paputok.

Samantala, sinabi ni Manganip na isang miyembro ng Philippine Army ang tinamaan ng ligaw na bala sa Bulanao kaninang madaling araw.

Sinabi ni Manganip, batay sa kuwento ng sundalo, sakay sila ng motorsiklo ng kanyang kaibigan mula sa kapitolyo nang may tricycle na nag-counterflow kasabay ng pagkarinig nila ng putok ng baril.

Kalaunan ay naramdaman ng sundalo na masakit ang kanyang tuhod at nang tignan ay dumudugo.

Agad siyang pumara ng tricycle para dalhin siya sa ospital.

Sinabi ni Manganip na nasa ligtas na kalagayan naman ngayon ang nasabing sundalo.

Idinagdag pa ni Manganip na isang senior citizen na 69 years old ang dead on arrival sa pagamutan matapos siyang mabangga ng motorsiklo na minaneho ng isang 15 years old na residente ng La-lo, Cagayan kagabi.