Halos wala ka umanong makitang tao na lumalabas sa kanilang mga bahay sa bayan ng Aparri bunsod ng napakainit na panahon.

Sinabi ni Marilpu Cabauatan, public information officer ng LGU Aparri na mas pinipili ng mga residente na manatili na lamang sa kanilang mga bahay o sa mga lugar na may lilim dahil sa hindi matiis ang matinding init ng panahon

Ayon sa kanya, nitong nakalipas na araw ay umabot sa 48 degrees celcius ang heat index sa kanilang bayan kaya kinansela ang pasok sa mga paaralan.

Sinabi niya na sa inilabas na execurtive order ng tanggapan ng alkalde ng Aparri, mananatili na half-day ang pasok sa mga eskwelahan dahil sa mga ulat na may ilang estudyante ang nakaranas ng pagkahilo at pagdurugo ng ilong.

Sinabi niya na maging sa kanilang mga dagat o beach na dinarayo tuwing summer season ay halos walang makitang tao na nagpupunta dahil sa pakiramdam nila ay masusunog ang kanilang balat.

-- ADVERTISEMENT --

Apektado na rin aniya ang kanilang turismo dahil sa madalang ang mga bisita ngayon sa kanilang lugar na posibleng dahil sa mataas na heat index.

Ayon pa sa kanya, may naitala na rin na insidente ng grass fire sa Barangay Maura bagamat agad naman itong naapula at may ilang lugar na nakakaranas ng power interruption na agad naman umano na natutugunan ng Cagayan Electric Cooperative o CAGELCO 2.