Ikinaalarma ng Commision on Human Rights (CHR) ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gusto niyang maging PNP chief na kayang pumatay ng mga drug lords.

Sa pahayag ni CHR Spokesperson Atty Jaqueline Ann De Guia, umaasa siyang susundin pa rin ng sunod na maging hepe ng pambansang pulisya ang due process.

Itoy bilang tugon sa motto ng PNP na “to serve and protect” at upang maisulong ang karapatang pantao ng lahat at hindi ng iilan lamang.

Nilinaw ni De Guia na hindi naman tutol ang ahensya sa kampanya ng gubyerno sa iligal na droga subalit kailangan aniya itong dumaan sa proseso upang matiyak ang maayos na pagtugon sa kriminalidad.

Una nang sinabi ng Palasyo na “honest man” ang gusto ng Pangulo na sunod na maging hepe ng pambansang pulisya matapos magbitiw si dating PNP chief Oscar Albayalde nang madawit sa mga “ninja cop”.

-- ADVERTISEMENT --