Iprinisinta sa media ng National Bureau of Investigation (NBI) ang hinuli nilang lalaki kaugnay sa sexual abuse sa kanyang menor de edad na pamangkin sa Rizal.

Sinabi ni Agent-in-charge Atty. Czar Eric Niqui, sinimulan umano ng lalaki na halayin ang kanyang pamangkin noong ito ay pitong taong gulang pa lamang, na ngayon ay 14-anyos na.

Ayon sa kanya, nag-umpisa umano ang panghahalay sa bata nang mamatay ang kanyang ama, at ang tiyuhin ang naatasan na mag-alaga sa mga anak ng complainant.

Sinabi niya na tinatakot umano ng lalaki ang biktima na papatayin ang kanyang pamilya kung magsusumbong.

Gayunpaman, naglakas-loob ang bata na sabihin sa kanyang ina ang ginagawa sa kanya ng lalaki nang sabihan siya na dadalhin siya sa kanyang lola.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Niqui, pasigaw ang pagkakasabi ng bata sa kanyang ina sa nangyayari sa kanya sa bahay ng kanyang lola.

Dito na nalaman ng ina ang mga hindi magandang nangyari sa kanyang anak.

Isinailalim na sa inquest proceedings ang lalaki sa paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Ipinaubaya na ng NBI sa inquest prosecutor ang pagsasagawa ng preliminary investigation sa mga nakalipas na insidente ng sexual abuse sa biktima.