Patung-patong na kaso ang maaaring kaharapin ng isang 47-anyos na tiyuhin matapos mapatay ang pamangkin at mahulihan ng mahigit P700-K na halaga ng iligal na droga sa bayan ng Gattaran, Cagayan.

Nahuli sa hot pursuit operation ang suspek na si Edwardo Relon matapos ang pamamaril na nagresulta sa pagkamatay ng biktimang si Alejandro Santiago, 36-anyos at kapwa residente ng Brgy. Casicalan Norte.

Ayon kay PMAJ Gary Macadangdang, hepe ng PNP Gattaran, agad rumesponde ang pulisya sa tawag ng isang concerned citizen kaugnay sa nangyaring pamamaril sa bahay ng biktima na nadatnan ng mga otoridad na wala ng buhay.

Hinabol ng mga pulis ang suspek na tumakbo sa likurang bahagi ng bahay ng biktima kung saan ito nahuli.

Bukod sa cal. 45 na baril na siyang ginamit sa pamamaril ay nakumpiska rin sa suspek ang isang improvised cal. 22 rifle at mga bala nito at kumpirmadong shabu na may timbang na 111.9 grams na nagkakahalaga ng P783m 000.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, inaalam pa ng pulisiya ang motibo ng suspek sa pamamaril na unang sumugod sa bahay ng kanyang pamangkin at hinahanap ang kanyang asawa.

Nagtamo ng tig-isang tama ng baril sa kanyang ulo at kilikili ang biktima na agad nitong ikinamatay.

Nahaharap naman ang suspek sa kasong murder, paglabag sa RA 10591 o Illegal Possesion of Firearms at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.