
Pasok na sa PBA Commissioner’s Cup Finals ang TNT Tropang 5G matapos gapiin ang Meralco Bolts, 97-94, sa Game 6 ng kanilang semifinal series nitong Linggo sa Ynares Center.
Dahil sa panalo, tinapos ng TNT ang serye sa 4-2 at nakapasok sa kanilang ikalimang sunod na Finals appearance mula pa noong 2024 Governors’ Cup.
Sa huling bahagi ng laban, lamang ang TNT sa 94-88 bago nakapagtala ng 6-0 run ang Meralco matapos mag-foul out si import Chris McCullough. Gayunman, nakabawi ang TNT sa pamamagitan ng three-point play ni Jordan Heading na nagbigay ng sapat na lamang para maisara ang laro.
Nanguna si Heading na may 30 puntos kabilang ang pitong three-pointers, habang nag-ambag si McCullough ng 22 puntos, 13 rebounds, at pitong assists. Para sa Meralco, nanguna si Patrick Gardner na may 32 puntos at 13 rebounds.
Ayon kay TNT head coach Chot Reyes, malaking bagay ang naging karanasan ng koponan sa mga naunang laro kung saan nakapaglaro sila kahit walang import, dahilan upang manatiling matatag sa closing minutes ng laban.
Makakaharap ng TNT sa Finals ang Barangay Ginebra sa isa na namang rematch sa pagdedepensa nila ng kanilang kampeonato.




