Dalawang saksak sa kaliwang dibdib ang naging sanhi ng pagkamatay ng TNVS driver na si Raymond Cabrera, base sa autopsy report na isinagawa matapos siyang matagpuang patay sa Zaragoza, Nueva Ecija.
Ayon sa imbestigasyon, isang kitchen knife ang ginamit sa pananaksak na patuloy na hinahanap ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Nahaharap sa kasong robbery with homicide ang tatlong suspek sa krimen at isinailalim sila sa inquest proceedings sa Department of Justice nitong Sabado ng hapon bago inilipat sa NBI detention facility sa Muntinlupa City.
Kahit nasa advanced state of decomposition ang bangkay, kinumpirma ng mga awtoridad na 90 porsyento itong tugma kay Cabrera.
Kinilala ito ng anak ng biktima sa pamamagitan ng suot nitong sapatos at metal screw sa braso na naiwan matapos ang nauna nitong aksidente.
Habang hinihintay pa ang resulta ng DNA test, inihahanda na ng NBI ang pag-turnover ng labi ni Cabrera sa kanyang pamilya.
Na-cremate na ang kanyang mga labi sa Tarlac City bandang alas-6 ng gabi noong Biyernes at dinala sa isang punerarya sa Zaragoza, Nueva Ecija.
Inaasahang kukunin ng mga kaanak ang kanyang abo bukas, araw ng Lunes.
Sumuko sa mga awtoridad ang tatlong suspek nitong Huwebes ng gabi matapos mabunyag ang kanilang pagkakakilanlan.
Ayon sa pulisya, natakot umano ang kanilang mga pamilya sa maaaring mangyari kaya pinilit silang sumuko.
Itinuro ng mga suspek ang eksaktong lokasyon kung saan nila itinapon ang bangkay ni Cabrera.
Humingi rin umano sila ng tawad sa kanilang ginawa.
Batay sa imbestigasyon, sinundo ni Cabrera ang mga suspek sa Parañaque City noong Mayo 18.
Hindi na nakarating ang sasakyan sa destinasyong Molino, Cavite at sa halip ay pinaikot-ikot sa iba’t ibang lugar sa lalawigan.
Narekober sa dashcam ng sasakyan ang audio na nagpapatunay na hindi na si Cabrera ang nagmamaneho nito.
Narinig din sa audio ang aktwal na pananaksak sa biktima.