
Ikinalugod ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) groups ang pamamahagi ng pamahalaan ng cash relief para sa mga apektadong drayber.
Gayunman, iginiit ng TNVS Community Philippines na kinakailangan ang pangmatagalang solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at hindi lamang umasa sa pansamantalang ayuda.
Nanawagan ang grupo na itaas o i-adjust ang base fare ng hindi bababa sa 20 piso upang makatulong sa mga drayber na nahaharap sa mataas na gastusin sa operasyon.
Ayon sa grupo, napapanahon ang fare adjustment upang matugunan ang epekto ng pagmahal ng gasolina sa kanilang kita.
Inihayag din ng pamunuan ng TNVS Community Philippines na layunin nilang magkaroon ng patas na sistema sa transportasyon kung saan sapat ang kita ng mga drayber at ligtas ang biyahe ng mga pasahero.
Aminado ang ilang driver-operator na malaki ang naging epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa kanilang kabuhayan.










