TUGUEGARAO CITY-Labis ang pasasalamat ni Jonalyn Cariaga Martin, top 7 sa katatapos na Social Worker Licensure Examination mula sa probinsya ng Isabela sa lahat ng tumulong at nagbigay suporta sakanya lalong-lalo na sa Panginoon para makamit ang tagumpay.
Aminado si Martin na nahirapan siya sa naturang pagsusulit kung kaya’t laking gulat nito nang malaman na bukod sa nakapasa ay napabilang pa siya sa mga topnotchers.
Ayon kay Martin, hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala na kabilang siya sa topnotchers sa naturang examinasyon.
Aniya, malaking bagay ang pagiging Social Welfare Aide nito sa LGU Burgos, Isabela sa tulong na rin ng kanilang MSWDO na si Editha Espirito upang maranasan ang aktuwal na trabaho ng kanyang napiling career.
Nakatulong din umano ang kanyang trabaho at pagsasailalim sa mga pagsasanay sa kabila ng kawalan ng operasyon ng mga review centers dahil sa COVID 19 pandemic bukod pa sa ginagawang self study para maipasa ang naturang pagsusulit.
Nabatid na nagtrabaho rin si Martin sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Central Office ng dalawang taon bago nagdesisyon na mag-aral sa St. Paul University Philippines dito sa lungsod ng Tuguegarao sa kursong Bachelor of Science in Social Work.
Bago nito, natapos din ni Martin ang Bachelor of Arts in Social Sciences Major in Economics at minor in Psychology sa UP Baguio.
Si Martin ay valedictorian sa elementarya at salutatorian naman sa sekondarya.
Sa ngayon, sinabi ni Martin na kanya pa ring itutuloy ang kanyang trabaho sa LGU Burgos habang nag-aantay ng mas magandang oportunidad.