TUGUEGARAO CITY-Positibo sa coronavirus disease 2019 (covid-19) ang top 9 most wanted sa bayan ng Abulug, Cagayan na naaresto sa Bagong Silang, Caloocan City noong ika-tatlo ngayong buwan.
Ayon kay P/ Major Norly Gamal, Chief of Police ng PNP-Abulug, sinundo ang akusado ng ilang miembro ng kapulisan sa Caloocan City noong Agosto 4, 2020 kung saan agad na isinailalim ito sa rapid test kinabukasan.
Nagpositibo sa rapid test ang akusado kung kaya’t isinailalim siya sa swab test at batay sa resulta na lumabas kahapon, Agosto 11, 2020 siya ay positibo sa covid-19.
Sa ngayon, asymptomatic ang akusado habang nasa quarantine facility ng Abulug.
Nabatid na nahaharap ang akusado sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Violence Against Women and Their Children act na nangyari lamang ngayong taon.
Samantala, agad namang nagsagawa ng contact tracing ang PNP-Abulug kung saan 11 pulis ang kasalukuyang naka-quarantine matapos makasalamuha ang pasyente.
Sinabi ni Gamal na bukas, Agosto 13, 2020 nakatakdang isailalim sa swab test ang anim na pulis na direktang nakasalamuha ng pasyente para matiyak na hindi nahawaan ng virus ang mga ito.
Bagamat ilan sa mga pulis ng PNP-Abulug ay nasa quarantine facility, sinabi ni Gamal na tuloy pa rin ang kanilang pagbibigay serbisyo sa publiko para matiyak ang kaligtasan at katahimikan ng nasasakupang bayan.