Matapos ang maraming taon na paggampan bilang military heroes sa screen, isa na itong tunay sa totoong buhay ni Tom Cruise.

Ginawaran ang “Top Gun” star ng Department of the Navy Distinguished Public Service (DPS) Award sa isinagawang seremonya sa London noong Martes, kung saan kinilala ang konstribusyon at dedikasyon ni Cruise sa US Navy sa pamamagitan ng kanyang mga pelikula.

Ang award ang pinakamataas na pagkilala ng US Navy na ibinibigay sa isang tao sa labas ng Department of the Navy.

Ibinigay ni Secretary of the Navy Carlos Del Toro ang award kay Cruise, kung saan sinabi niya na ang kanyang mga pelikula ang nagbigay inspirasyon para sa marami na magsilbi sa Navy at sa Marine Corps.

Bilang tugon, nagpasalamat si Cruise dahil sa itinuring siya na inspirasyon ng marami sa mga sailors na nagsisilbi ngayon at mga dating nasa US Navy.

-- ADVERTISEMENT --

Kinilala rin ni Cruise ang mga cast at crew dahil naging katuwang sila sa tagumpay ng nasabing mga pelikula.

Kilala si Cruise na bida sa 1986 classic “Top Gun,” kung saan ginampanan niya ang Naval Fighter pilot, at ang 2022 sequel “Top Gun: Maverick,” na kumita ng mahigit $1 billion sa box office.

Kinilala si Cruise at ang producer ng pelikula na si Jerry Bruckheimer na Honorary Naval Aviators ng departamento noong 2020.