
Isinusulong ni Senator Raffy Tulfo ang total ban sa lahat ng uri ng online gambling sa bansa, kabilang na ang mga accredited ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ayon sa senador, maghahain siya ng panukalang batas sa susunod na linggo upang tuluyang ipagbawal ang online gambling dahil sa lumalalang epekto nito sa lipunan.
Tinukoy ni Tulfo na tila isa nang epidemya ang online gambling sa bansa, kung saan pati mga bus at jeepney drivers ay nahuhuling nagsusugal habang namamasada, at maging ang mga bata ay natututong mangupit para lang makapagsugal gamit ang cellphone.
Aniya, madaling ma-access ang mga online gambling platforms kaya mas malawak at mas mabilis ang negatibong impluwensiya nito sa publiko.
Dahil dito, nanawagan din si Tulfo sa PAGCOR na itigil na ang lahat ng advertisement ng online gambling—maging sa billboards, TV, radyo, print, at social media.
Giit ng senador, kahit mawala ang inaasahang P140 bilyong kita mula sa online gaming, marami pang ibang mapagkukunan ng pondo ang gobyerno nang hindi nakokompromiso ang moralidad at kinabukasan ng mga Pilipino.