Bumaba ng 9.38% ang total crime volume sa bayan ng Sto. Niño mula buwan ng Enero hanggang Oktubre ng kasalukuyang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCapt. Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP-Sto Niño na nakapagtala ang PNP ng 29 crime incidents ngayong taon, kumpara sa 32 noong 2018.
Gayonman, ikinabahala ni Gabatin ang dalawang kaso ng panggagahasa na naitala sa magkahiwalay na insidente sa iisang Barangay.
Kaugnay nito, isasama na sa mga symposium sa mga paaralan at Barangay ang nilalaman ng anti rape law, kasabay ng illegal drugs.
Sa datos ng PNP, pinakamarami sa naitalang index crime ay physical injuries sa bilang na siyam habang labing anim sa vehicular accident.
Ngayong taon, umaabot na sa labing-isa ang nahuli ng pulisya na wanted sa batas sa magkakahiwalay na operasyon.
Aniya, ang pagbaba sa bilang ng krimen ay dahil sa epektibong pagbabantay ng pulisya.
Samantala, sinabi ni Gabatin na mula sa 31 barangay ay lima na lamang ang kanilang hinihintay para maideklarang drug cleared municipality ang Sto Niño.
Aniya, pitong barangay ang naitalang apektado ng illegal na droga ngunit nitong nakalipas na araw ay naideklarang drug cleared ang dalawa habang ang 24 ay drug free.
Kampante si Gabatin na sa nalalapit na panahon ay maidedeklara ng drug cleared municipality ang nasasakupang bayan.