TUGUEGARAO CITY-Inalis na ang ipinatutupad na total lockdown sa Barangay Cataggaman Viejo sa lungsod ng Tuguegarao ngayong araw, Agosto 31, 2020 batay sa Executive Order no. 81 na inilabas ni Mayor Jefferson Soriano.
Negatibo na rin sa pangalawang swab test ang magkakapamilya na unang nagpositibo sa virus sa naturang barangay kung saan kasalakuyang na silang nakahome quarantine.
Ayon kay Barangay Captain Cesario Pasicolan ng Cataggaman Viejo, malaking tulong sa kanilang barangay ang ipinatupad na lockdown dahil napigilan ang paglobo ng bilang ng mga nagpopositibo sa virus.
Bagamat tinanggal na ang lockdown, sinabi ni Pasicolan na mahigpit pa rin ang kanilang gagawing pagbabantay kung saan muling ilalabas ang covid shield pass para malimitahan ang paglabas ng mga tao sa lugar.
Kaugnay nito, nanawagan si Pasicolan sa kanyang mga residente na sumunod sa mga ipinapatupad na health protocols bilang pag-iingat sa banta ng covid-19.