Tuguegarao City- Umabot sa mahigit P12M ang naging total sale ng mga magsasaka sa rehiyon sa tulong ng “Kadiwa ni Ani at Kita” ng Department of Agriculture Region 2.

Ito ay batay na rin sa iba’t ibang modality na ginagamit ng kagawaran tulad ng kadiwa outlet at online.

Sa panayam kay Ma. Rosario Pacarangan, Division Chief ng Agri-Business and Marketing Division ng DA Region 2, kabilang dito ang 16 na farmers group at 70 individual suppliers mula sa 47 munisipalidad sa rehiyon na ang natulungan sa ilalim ng programa.

Ang datos aniya ay mula lamang nitong buwan ng Enero hangang Hunyo kung saan ay patuloy pa sila sa pakikipag-ugnayan sa mga LGUs at DA Offices sa rehiyon upang maipaabot ang programa sa mga magsasaka.

Tinig ni Pacarangan

Paliwanag ni Pacarangan, malaking bagay ang nasabing programa sa mga magsasaka at consumers dahil mismong DA ang kumukuha ng mga produkto sa mga lugar ng supplier at mabibili naman ng mga consumers sa mga kadiwa outlet sa murang halaga.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pamamagitan nito ay makakatipid din ang mga magsasaka ng transport cost at makakadagdag pa ito sa kanilang kita.

Nabatid na sa kasalukuyan ay mayroon ng 11 kadiwa outlet sa buong rehiyon habang patuloy pa rin ang DA sa pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng pamahalaan upang dumami ito.

Isa din ito sa hakbang ng DA Region 2 na matulungan ang mga magsasaka ngayong panahon ng pandemya na makabenta at maiwasan ang pagkasira ng kanilang mga produkto.