
Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nakahinga ng maluwag ang buong mundo matapos magkasundo ang Estados Unidos at China na pansamantalang itigil ang umiinit na trade war sa loob ng isang taon, na isang hakbang na inaasahang magpapagaan sa tensyon sa pandaigdigang ekonomiya.
Ayon sa pangulo, bagaman limitado pa ang impormasyong inilalabas mula sa magkabilang panig, malinaw na nagkaroon ng kasunduan na magdeklara ng kapayaan sa kalakalan kahit isang taon para magbibigay-daan sa mas maayos na kalakalan sa pagitan ng dalawang pinakamalalaking ekonomiya ng mundo.
Sinabi ni PBBM na malaking ginhawa ito hindi lamang para sa Pilipinas kundi para sa buong Asia-Pacific region, na matagal nang nadadamay sa epekto ng sigalot sa kalakalan ng China at Estados Unidos.
Dagdag ni Marcos, positibo ang epekto ng pansamantalang trade peace sa mga bansang umaasa sa mas matatag na pandaigdigang merkado, kabilang ang Pilipinas.
Inaasahan nitong makakatulong ito sa pagpapalakas ng mga kasalukuyang kasunduan sa kalakalan ng bansa sa parehong Estados Unidos at China.
Tiniyak ng pangulo na patuloy na tututukan ng pamahalaan ang magiging epekto ng kasunduang ito sa rehiyon, at kung paano ito makaaambag sa mas balanseng ekonomiya sa loob ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC).









