TUGUEGARAO CITY-Inihayag ng Regional Director ng Police Regional Office 2 ang pagnanais na makapagsagawa ng training sa pagbibigay ng first aid sa mga biktima ng vehicular accident at iba pang krimen.
Ayon kay PBGEN Angelito Casimiro, Regional Director ng PRO 2, naisipan niya ang nasabing plano matapos makita ang iba’t ibang bahagi ng rehiyon na malayo sa mga ospital o klinik at hirap pang mapasukan ng mga sasakyan.
Aniya, kailangang lahat ng mga pulis ay mabigyan ng sapat na kaalaman hindi lamang sa basic first aid kundi maging kung paano magsalba ng buhay para habang ibinibiyahe ang mga biktima ng aksidente ay maaari nang tulungan ng mga pulis.
Plano rin ng heneral na bumili ng mas maraming first aid kit para sa mga pulis at iba pang kagamitan na pang-medical upang kaagad silang makapagresponde sa mga nasusugatan sa kalsada.
Napapanahon na aniya ang ganitong konsentrasyon ng PNP dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa kalsada at iba pang krimen na nagreresulta sa pagkasugat ng mga biktima.
Kaugnay nito, hinimok ng heneral ang mga pulis na may mga sasakyan at motorsiklo na ugaliing magdala ng first aid kit upang saan man sila mapunta ay maaari silang makatulong sa mga nadidisgrasya.