Nakatakdang isagawa ngayong araw ang traslasyon ng St. Vincent Ferrer Parish Church sa bayan ng Solana bilang bahagi ng seremonya at aktibidad sa paglilipat mula sa dati patungo sa bagong tayong simbayan.

Ayon kay Fr. Garry Agcaoili, parish priest ng naturang simbahan, nasa 1200 ang seating capacity ng bagong tayong simbahan at mas malaki ito kaysa sa dati na mayroon lamang 800 seating capacity.

Sinabi niya na naitayo ito sa pamamagitan ng pinagsama-samang donasyon ng mga residente, negosyante at mula sa ibang sektor mapa-cash man o in-kind at sa kabuuan ay aabot aniya sa P72M ang halagang nagamit upang ito ay maitayo.

Mismong ang construction team na kinabibilangan ng mga enhinyero at mga arkitekto kasama ng kanilang financial experts ang nagplano upang maisakatuparan ang patatayo ng simbahan na dinisenyo ni Fr. Alex Bautista mula sa Tarlac.

Pinasalamatan naman nito ang lahat ng mga residente sa komunidad dahil sa taos puso nilang pagtulong at pakikiisa sa adhikain ng simbahan sa ngalan ng paglilingkod sa Diyos.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, mamayang alas 8:30 ng umaga ay uumpisahan ang aktibidad sa pamamagitan ng pagsasagawa ng liturgy na susundan ng prosisyon at seremonya at pagbabasbas sa bagong simbahan.