Naglabas ng isang Executive Order si Quirino Gov. Dax Cua na nag-uutos sa mga non-APOR o Unauthorized Persons Outside Residence na papasok sa lalawigan na kailangang magpakita ng mga travel requirements bago makapasok.
Paliwanag ni Gov. Cua na ang isang non-APOR ay kinakailangang magpakita ng Negative RT-PCR result na may 48 oras na validity bago ang pagbiyahe o Negative antigen test result na may 48 na oras validity o medical certificate mula sa isang lisensiyadong doctor.
Ayon pa sa punong lalawigan, hindi kailangang ipakita lahat ang tatlong dokumento at isa lang dito ay sapat na para makapasok sa lalawigan.
Nanindigan ang gubernador na kailangang sumunod sa lahat ng panuntuan gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, social distancing, cough etiquette at paghugas ng kamay.
Nagtalaga na rin ang mga punongbayan sa Quirino ng health and safety officer sa bawat pook pasyalan at mga pagtitipon para masigurong masusunod ang mga panuntunan.
Ayon kay Cua, mahigpit ang mga bagong border security and travel security kaysa sa buong bansa dahil nakiusap ang provincial government sa DILG at sa IATF na bigyan ang lalawigan ng Quirino ng exemption dahil sa patuloy na pagtaas ng mga Covid-19 sa lalawigan.