
Maaaring magsimula ang pormal na paglilitis sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagitan ng Oktubre 2026 at Pebrero 2027, ayon kay Atty Kristina Conti.
Sinabi ni Conti na bago ang aktwal na paglilitis, magkakaroon muna ng mga paghahanda at mga closed-door na pag-uusap, kaya kapag nagsimula na ang trial proper, ito ay halos tuloy-tuloy.
Nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity, partikular ang murder at attempted murder, kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga.
Ayon sa Rome Statute, karaniwang kinakailangang personal na humarap ang akusado sa paglilitis, ngunit pinapayagan din ng ICC ang ilang alternatibo tulad ng virtual attendance upang matiyak ang kanyang partisipasyon.
Hindi rin maaaring hadlangan ng akusado ang proseso sa pamamagitan ng sadyang pagliban.
Sinabi ni Conti, sa unang araw ng paglilitis, inaasahang babasahin ang mga sakdal o katulad ng arraignment at magtatakda ang mga hukom ng mga patakaran.
Susunod dito ang presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon at depensa.
Karaniwang ginaganap ang mga pagdinig mula 9 a.m. hanggang 4 p.m., depende sa schedule at availability ng korte.
Inaasahan ding i-livestream ang mga pagdinig, ngunit may delay na 30 minuto para sa seguridad.
Dagdag pa ni Conti, maaaring tumagal ng ilang taon ang paglilitis—karaniwan ay umaabot ng tatlong taon, ngunit may mga kasong tumatagal hanggang sampung taon.
Una rito, kinumpirma ng ICC Pre-Trial Chamber I ang mga sakdal laban kay Duterte at iniutos na ituloy ang paglilitis batay sa mga ebidensyang isinumite kaugnay ng mga pagpatay noong siya ay alkalde ng Davao City at naging pangulo ng Pilipinas.










