

Sisimulan na ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Cagayan ang kanilang imbestigasyon kaugnay sa idinulog na problema ng tribong Ataryahu na umanoy pinagsarhan ng road right of way sa Brgy Baliuag, Penablanca.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Engr. Eliseo Mabasa ng PENRO- Cagayan na aalamin ng bubuuing investigation team ang nakapaloob sa pasteur lease agreement kaugnay sa road right of way na inisyu ng DENR noong 2015 nang mabili ng tribo ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay.
Ayon sa pahayag ng tribo na pinangunahan ni Donald Vise, dati na ang mahigit tatlong kilometrong lansangan sa loteng sakop ng pasteur land na sinarhan.
Apektado umano sa pagsara ng daan ang nasa mahigit 100 pamilya ng tribo at hiniling nila na mabuksan sa lalong madaling panahon dahil sa perwisyo ito sa kanilang trabaho at maging sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Nangako naman si Mabasa na tututukan ang naturang isyu kabilang na ang posibleng relocation kung kaya magsasagawa sila ng validation kaugnay sa alegasyon ng mga tribo laban sa private owner ng lupa.
Ipapatawag rin ang inirereklamong may-ari ng lupa upang igiit ang karapatan ng tribo base sa nakapaloob na kasunduan.
Bukod sa kanilang Datu ay sumama rin sa dayalogo sa PENRO ang mga pastor, elders at nasa 30 miyembro ng tribo.










