Patay ang isang 65-anyos na tricycle driver at dalawang babaeng pasahero nito matapos na mabangga ng isang pampasaherong bus ang kanilang sasakyan sa national highway sa Brgy. San Pablo, Sto. Domingo sa Ilocos Sur.

Ayon sa Sto. Domingo Municipal Police Station, ang tricycle driver ay residente ng Brgy. Paras ng naturang bayan samantalang ang dalawang babaeng pasahero nito na sina alyas Michelle at alyas Grace ay parehong residente ng Vigan City, Ilocos Sur.

Ang 42-anyos naman na driver ng bus ay residente ng Brgy. Pagsanaan, Magsingal, Ilocos Sur.

Sa imbestigasyon ng pulisya, tumigil ang tricycle sa gilid ng highway na nakaharap sa hilagang direksyon.

Nang makita ng tricycle driver na walang dumadaan na sasakyan papuntang hilaga, nagsagawa siya ng U turn at hindi napansin ang paparating na bus na papuntang timog direksyon na nagresulta sa banggaan ng dalawang sasakyan.

-- ADVERTISEMENT --

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang mga katawan ang driver ng tricycle at dalawang pasahero nito.

Agad silang isinugod sa Magsingal District Hospital ng mga rumespondeng BFP, PNP at RHU personnel.

Gayunman, idineklarang dead on arrival ang dalawang pasahero samantalang nalagutan ng hininga sa ospital ang driver ng tricycle habang sinisikap isalba ng umasikasong doktor.

Hindi naman nasaktan sa naturang insidente ang driver ng bus at ang mga pasahero nito.