Nanatiling palaisipan sa pulisya ang motibo sa pagpatay ng riding-in-tandem criminals sa isang tricycle driver sa Tuguegarao City, kaninang 7:30 ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Art Lucena Aquino, 28-anyos, tubong Baggao at nangungupahan sa Chico St., Barangay Tanza, Tuguegarao City.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PLT Isabelita Gano ng PNP Tuguegarao na patuloy na nangangalap ng ebidensiya ang pulisya tulad ng video footages mula sa mga CCTV camera sa mga posibleng dinaanan ng mga naka-motorsiklong suspek at pagkuha sa testimonya ng mga testigo.

Ito ay para sa posibleng pagtukoy sa dalawang gunmen na kapwa nakasuot ng full face helmet na bumaril patay sa biktima habang lulan ng kanyang minamanehong tricycle sa may bahagi ng Santol St., Pengue Ruyu.

Sinabi ni Gano na in-overtake ng riding criminals ang biktima at pinatigil sa tabi bago siya pinagbabaril na nagtamo ng tama ng bala sa kanyang katawan at batok.

-- ADVERTISEMENT --

Narekober naman sa crime scene ang anim na basyo ng bala ng cal. 45 na baril.