
Ibinunyag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na may mga umano’y pagkilos na ginagawa upang mapigilan ang pag-usad ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Trillanes, may mga hakbang umano mula sa kampo ng Bise Presidente at ilang tagasuporta nito na layong maantala o madiskaril ang paglilitis.
Kabilang umano sa mga ito ang pagpapalabas at patuloy na paglalabas ng mga kuwento ng 18 dating bodyguards ni Zaldy Co na aniya’y ginagamit upang siraan ang ilang personalidad na kabilang sa mga nagsusulong ng impeachment complaint.
Giit pa ng dating senador, may mga nakikitang hakbang na maaaring ituring na destabilization efforts na layong maimpluwensyahan ang proseso ng paglilitis.
Ayon kay Trillanes, layunin umano ng kampo ng Bise Presidente na makalikha ng “political outrage” upang maimpluwensyahan ang opinyon ng publiko pabor sa kanya, ngunit hindi umano ito nagtatagumpay kaya’t posibleng magkaroon pa ng iba pang hakbang.
Samantala, nauna nang sinabi ng defense team ni Vice President Duterte na handa silang harapin ang kaso sa impeachment court.
Nagsimula na rin ang unang pre-trial conference kaugnay ng impeachment proceedings noong Hunyo 18, 2026.










