Inihayag ng abogado ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na sasagot sila sa posibleng ethics complaint na ihahain laban sa senador.

Ito ay kasunod ng pahayag ni dating senator Antonio Trillanes IV na maghahain sila ng ethics complaint laban kay Dela Rosa dahil sa patuloy na pagliban sa kanyang trabaho.

Sinabi ni Atty. Israelito Torreon, kung maisisilbi ng tama at makakatugon sa Senate rules, sasagutin nila ang ethicc complaint.

Ayon kay Torreon, hindi pa sila nagkakausap ng senador subalit ipinaalam na umano niya ito sa asawa ni Dela Rosa.

Kasabay nito, tumangging magbigay ng sagot si Torreon sa tanong kung nasa bansa pa si Dela Rosa.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Torreon na umaasa sila na aaksyonan na ng Korte Suprema ang petition for certiorari na inihain nila para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at Dela Rosa nitong nakalipas na taon kaugnay sa pag-aresto at paglipat sa dating pangulo sa The Netherlands.

Noong Nobyembre, hiniling ni Dela Rosa sa Korte Suprema na maglabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa implementasyon ng sinasabing arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni Torreon na posibleng lalabas si Dela Rosa kung papabor sa kanya ang magiging desisyon ng Korte Suprema.

Ipinagtanggol din ni Torreon ang patuloy na pagliban ng senador sa kanyang trabaho, kung saan sinabi niya na naiintindihan umano ng taumbayan ang kanyang sitwasyon.