Nagsampa ng reklamong cyberlibel si Antonio Trillanes IV laban sa 18 umano’y dating miyembro ng Philippine Marines at iba pang indibidwal kaugnay sa umano’y pag-uugnay sa kanya sa isang scheme na may kinalaman sa International Criminal Court.

Inihain ang reklamo sa Department of Justice nitong Lunes.

Ayon kay Trillanes, nag-ugat ang kaso sa mga panayam ng mga nasabing indibidwal matapos ang kanilang isinagawang press conference ilang linggo na ang nakalilipas.

Nauna nang inakusahan ng 18 dating marino si Trillanes na umano’y tumulong sa pagpasok ng hindi bababa sa limang imbestigador ng ICC sa bansa.

Iginiit din nila na tumanggap umano ang dating senador ng $2 milyon mula kay Zaldy Co para sa naturang imbestigasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi ni Trillanes ang mga paratang at iginiit na walang katotohanan ang mga ito.

Sinabi rin niya na may ilang dating kasamahan ng mga marino ang inaasahang lalantad sa mga susunod na linggo upang ilahad ang kanilang bersyon ng mga pangyayari.

Ayon pa sa kanya, inalok umano ang mga ito ng pera kapalit ng pagsasalita, ngunit tumanggi ang mga ito.

Dagdag pa ni Trillanes, may ilan sa 18 marino ang inaasahang magbabawi ng kanilang mga pahayag.

Tumanggi naman siyang ibunyag ang pinagmulan ng kanyang impormasyon.

Kabilang din sa mga isinamang respondent sa reklamo ang ilang personalidad sa media tulad nina Byron Cristobal, Oliver Cristobal, Master Judea, at Arjay Piodina.

Nauna nang nagsampa si Trillanes ng reklamong perjury laban sa mga marino at cyberlibel laban kina Levito Baligod, Mike Defensor, Jay Sonza, Lorraine Badoy, at Cathy Binag.

Samantala, nagsampa rin ng magkakahiwalay na reklamo laban sa mga marino at iba pa sina National Security Adviser Eduardo Año, House Deputy Minority Leader Leila de Lima, pari na si Flavie Villanueva, at Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. kaugnay ng parehong isyu.