
Naglabas ng subpoena ang House Committee on Justice laban kay dating senador Antonio Trillanes IV upang humarap sa susunod na pagdinig kaugnay ng impeachment case ni Vice President Sara Duterte sa Abril 22, 2026.
Inaprubahan ang mosyon na inihain ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na mag-utos kay Trillanes na tumestigo at magsumite ng mga dokumento tungkol sa umano’y ill-gotten wealth at hindi pagdedeklara ng ilang ari-arian sa SALN ng bise presidente.
Itinuturing ng komite na mahalaga ang testimonya ni Trillanes dahil nabanggit siya sa ikatlong impeachment complaint at dati na ring humarap sa mga pagdinig ng Kamara.
Naglabas din ng subpoena ang komite laban sa Anti-Money Laundering Council upang isumite ang mga rekord ng bank transactions nina Duterte at ng kanyang asawa mula 2006 hanggang 2025, kabilang ang mga ulat sa kahina-hinalang transaksyon.
Ang susunod na pagdinig ay itinakda sa Abril 22, alas-10 ng umaga.










