TUGUEGARAO CITY-Isinusulong sa konseho ng Tuguegarao ang isang ordinansa na naglalayong magkaroon ng “truck ban” sa tuwing peak hour dito sa lungsod ng Tuguegarao kung saan una nang naaprubahan sa unang pagbasa.
Sa naging presentasyon ni Ex Officio Councilor Gil Pagulayan, Chairman ng Public Safety and Disaster Order ng lungsod, layon nitong masolusyonan ang mabigat na daloy ng trapiko sa lungsod.
Ayon kay Pagulayan, kung tuluyan nang maaprubahan ang nasabing ordinansa, isasara sa oras na 7:00 hanggang 9:00 ng umaga at 4:00 hanggang 6:00 ng hapon ang ilang kalsada sa lungsod para sa mga truck.
Aniya, pansamantalang hindi papapasukin ang mga truck sa mga nasabing oras partikular sa bahagi ng Junction Tanza patungo sa Diversion road Buntun highway.
Sinabi ni Pagulayan na batay sa pag-aaral ng TMG o Traffic Management Group , bumibigat ang daloy ng trapiko sa nasabing lansangan dahil sa mga truck na sumasabay sa mga motorista na papasok sa mga trabaho maging sa mga estudyante.
Dagdag pa niya na kung sakali man na ito’y maaprubahan ay magkakaroon ng experimental period na 90 araw.
Samantala, muling pag-uusapan ang nasabing ordinansa sa susunod na regular session ng konseho para pag-aralang mabuti ang pagpapatupad nito sa lungsod.